228 total views
Ipinagkibit balikat lamang ng D-F-A o Department of Foreign Affairs ang balakin ni US president elect Donald Trump na ipa-deport ang 3-milyong immigrants sa Estados Unidos ngayong taon.
Ayon kay DFA Assistant Sec. Charles Jose, napanatili ng tinatayang mahigit sa 3- milyong Overseas Filipino Workers sa Amerika ang kanilang mabuting imahe sa pagsunod sa batas at tapat na pagbabayad ng buwis.
Pinasinungalingan naman ni Jose ang inilabas na datos ni Labor Sec. Silvestre Bello III na mahigit 200-libo ang mga irregular na Pinoy o TNT “tago ng tago” sa Amerika.
Nilinaw ni Jose na iilan lamang ang mga Pilipino sa Amerika na may kaso ng paglabag sa immigration ngunit nangingibabaw pa rin ang mabuting imahe ng mga Filipino community sa US.
“ Karamihan sa more than 3 million na Filipinos sa United States ay regular ang kanilang status, masunurin sila sa mga batas, nagbabayd sila ng tamang buwis…Occasionally, may nabibilang dito na mga Pilipino pero ito yung may mga offenses either immigration offenses pero karamihan sa ating mga Pilipino sa US ay maayos ang kanilang status kaya para sa amin hindi masyadong magiging malaki ang epekto ng pronouncement ni President elect Trump sa Filipino community sa United States,” giit pa ni Jose sa Radyo Veritas.
Pinayuhan naman nito ang ilang mga Filipino sa US na nagtatago pa rin na kumuha na ng “green card” upang maging legal ang kanilang panunuluyan roon at sumunod lamang sa mga panuntunan ng US government.
“Dapat ma – regularize ang kanilang status dun from TNT makakuha sila ng “green card” para maging legal ang kanilang stay dun. Secondly, patuloy nilang i – maintain ang kanilang good standing maging masunurin sila sa batas ng US at huwag silang magko – commit ng any offense,” payo pa ni Jose sa mga OFWs doon.
Nabatid na tinatayang nasa 11 milyon ang mga illegal immigrants sa Amerika mula sa Asya kung saan 300-libo sa mga ito ay mga Pilipino.
Samantala, nauna na ring pinag – iingat ni CBCP – Episcopal Commission Migrants and Itinerant People chair at Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos ang mga OFWs na maging tapat sa batas ng US upang maiwasan ang anumang kapahamakan.