|
Krusada laban sa jueteng, nagkaroon ng kakampi sa
katauhan ni Robredo - Archbishop Cruz
July 19, 2010 - Monday
Nagkaroon ng kakampi ang krusada laban sa jueteng sa katauhan ni DILG secretary Jesse Robredo.
Ito ang pahayag ni Lingayen-Dagupan Archbishop emeritus Oscar Cruz sa panayam ng Radyo Veritas patungkol sa bagong kalihim ng ahensiya.
Ayon kay Archbishop Cruz, malinis at tapat si Robredo kaya naniniwala siya na malalabanan ang jueteng bastat seryoso ang bagong administrasyon na tanggalin ito.
Kaugnay nito, nalulungkot si Archbishop Cruz dahil sa nagkalat na mga casino sa bansa.
Ayon sa arsobispo, lakas ng loob at tapang ang kailangan para mawala ng tuluyan ang mga sugal partikular na ang jueteng na lalong nagpapaghirap sa mga dukha.
Naniniwala si Archbishop Cruz na kailangan ding makipagtulungan ang bawat lokal na pamahalaan sa pamunuan ni DILG Secretary Jesse Robredo para tuluyang mahinto ang mga iligal na sugal.
“Talaga pong kung ang administrasyon ay seryoso sa paglaban sa jueteng tiyak na mahihinto ito dahil sa kailangang sa taas magmumula hanggang pababa ang kampanya laban dito,” pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam ng Radyo Veritas.

|