|
Mga Obispo, naghahanda na rin sa pagbubukas ng 15th Congress
July 19, 2010 - Monday
Hindi lang ang mga mambabatas ang naghahanda sa pagbubukas ng 15th congress sa susunod na linggo kundi maging ang mga Obispo.
Ayon kay CBCP president Tandag bishop Nereo Odchimar, ito ay dahil sa nakaambang matinding bakbakan sa kontrobersiyal na reproductive health bill.
Aminado si bishop Odchimar na nabawasan ang kanilang mga kakampi sa Kamara at dumami ang mga mambabatas na pabor sa RH bill.
“It will be an uphill battle,” dagdag ni bishop Odchimar.
Pero pagtitiyak ni bishop Odchimar, hindi patatalo ang kanilang hanay at patuloy na haharangin ang pagsasabatas ng RH bill.
Giit ni bishop Odchimar, kung mananahimik na lamang ang kanilang hanay, mistulang hindi nila nagampanan ang tungkulin bilang mga propeta.
“We have our own duty and we have to speak out. We are not being cowed that just because they are many, we have to keep silent,” ayon sa obispo.
Una nang sinabi ni Albay Congressman Edcel Lagman na nanalo nitong nakaraang halalan ang lahat ng 132 co- author ng RH bill.

|