291 total views
Nananawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ng panalangin at pagkilos upang hindi maibalik ang parusang kamatayan sa bansa.
Iginiit sa inilabas na pastoral statement ng Kardinal na hindi tunay na solusyon ang death penalty sa laganap na krimen kundi dapat tugunan ng positibo at komprehensibong pamamaraan ang ugat ng problema.
“Ang pinakamabisang paraan ay tugunan sa positibo at komprehensibong pamamaraan ang mga ugat ng krimen. Ang kawalan ng pagpapahalagang pangmoral, kawalang katarungan, kawalan ng pagkakapantay-pantay, kahirapan, kakulangan sa pagkain, edukasyon, trabaho at pabahay, ang pamamayagpag ng mga sandata, droga, pornography, kawalan ng paggalang sa seksualidad, at marami pang iba. Marahil biktima rin ng mga ugat na ito ang mga nakagawa ng krimen.”bahagi ng liham pastoral ni Cardinal Tagle.
Inihayag ni Cardinal Tagle na malaking hamon na dapat kaharapin sa paglaban sa kriminalidad ang pagbaba ng pagpapahalaga sa usaping moral, kawalan ng katarungan at ang laganap na kahirapan.
Binigyang-diin ng Kardinal kailangang palakasin ng Simbahan at estado ang pundasyon ng pamilyang Filipino upang ganap na malabanan ang mga ugat ng krimen.
“Upang malutas ang mga ugat ng krimen, kailangang pangalagaan at pagtibayin ng Simbahan at ng estado ang pangunahing unit ng lipunan, ang pamilya.”pahayag ng Kardinal.
Tinukoy din ni Cardinal Tagle na malaking banta na magkaroon ng kultura ng kamatayan at maging katanggap-tanggap sa lipunan na ang parusang kamatayan ang tugon sa bawat kasalanan ng tao at wala nang paghihilom at pagpapatawad sa ating komunidad.
Iginiit sa pastoral statement na ang kultura ng karahasan ay magpapahamak ng tao na maging ang mga inosente ay mapatawan ng parusa habang nagdudulot naman ng paghilom at kapayapaan ang kultura ng katarungan.
“Sa pagsulong sa parusang kamatayan, may panganib na maging katanggap-tanggap ang karahasan bilang tugon sa bawat kasalanan. Marapat at tunay ngang kailangan ng katarungan at paghihilom ng mga biktima ng krimen. Titiyakin ng isang matapat at matuwid na sistemang pang-hukuman at pang-penal na ang biktima at lipunan ay magbigyan ng pagpapanibago at kaligtasan. May malaking panganib na ang parusang kamatayan ay maipataw sa isang inosenteng tao.”paglilinaw ng Kardinal.
Naninindigan si Cardinal Tagle na napapanahong panibaguhin ang mga institusyon at sangay ng pamahalaan upang mapangalagaan ang katarungan at maiwasan ang paglago ng kultura ng karahasan.
Nilinaw ng Kardinal na hindi layunin ng parusa ang paghihiganti bagkus ang pagtutuwid sa mga nagkamali at ang ikabubuti ng lipunan.
Ipinaalala din sa pastoral statement na bilang mga Kristiyano ay naniniwala tayo na ang buhay ng tao ay kaloob mula sa Diyos at walang karapatan ang sinuman na magyabang at basta na lamang ito patawan ng parusang kamatayan.
“Bilang mga Kristiyano, naniniwala tayo na ang buhay ng tao ay kaloob mula sa Diyos. Ang bawat tao ay nilikhang kawangis ng Diyos. Ang bawat tao ay tinubos ng dugo ni Kristo. Ito ang mga batayang dahilan ng pagpapatawad, pag-asa at kaligtasan. Ito ang dahilan kung bakit ang paninindigan sa buhay, ang kultura ng buhay, ay taliwas sa abortion, euthanasia, human trafficking, mutilation, at karahasan laban sa mga mahihina at inosenteng tao. Sa harap ng Diyos ang bukal ng buhay, ang tanging nararapat na tugon natin ay pagpapakumbaba. Hindi tayo maaaring magyabang at magpanggap na diyos.”dagdag pahayag ng Kardinal.
Kaugnay nito, inaanyayahan din ang lahat ng mga parokya sa Archdiocese ng Manila na maglagay ng tarpaulins na tutol sa death penalty at isama sa panalangin ng bayan ang kahilingang hindi maibabalik sa bansa ang death penalty.
Hinimok din ni Cardinal Tagle ang mamamayan na iparating sa kanilang mga kinatawan ang pagtutol sa parusang kamatayan.
Sa datos ng Amnesty International, 140 mga bansa o two-thirds ng mga bansa sa mundo ang nag-alis ng parusang kamatayan dahil hindi ito naging epektibo sa pagsugpo sa paglaganap ng kriminalidad.