September 2, 2014

Cardinal Tagle, nagpapasalamat at pinuri ang mga dumamay sa mga biktima ng baha

download

Manila,Philippines– Pinuri at pinasasalamatan Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang nakakahangang kakayahan ng mga Pilipinong dumamay sa pighati ng mga apektado ng pagbaha sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.

Ginawa ni Cardinal Tagle ang taos-pusong pasasalamat matapos masaksihan sa Caritas Manila relief operations center kung gaano kalakas ang damayan at pagtutulungan ng mga volunteer na hindi iniisip ang sarili kundi ang kapwa.

“Nakakahanga ang kakayahan ng mga Pilipinong dumamay sa ganitong pagkakataon, sa ating panawagan sa Radio Veritas na kung gaano kalakas ang bagyo at habagat dapat ganun din kalakas o higitan pa ang lakas ang ating damayan at tulungan. Dito sa Caritas Manila operation center ngayon ay kitang-kita mo ang atmosphere ng kaligayahan kapag hindi sarili ang iniisip kundi ang kapwa. May ibang uri ng kaligayahan at buhay, andaming volunteers, walang problema sa volunteers, minsan ay nauubusan na ng gagawin dahil sa dami ng volunteers”.natutuwang pahayag ni Cardinal Tagle sa Radio Veritas

Bukod sa pasasalamat sa mga taong nagbigay ng donasyon at pagbo-boluntaryo, muling nanawagan si Cardinal Tagle ng tulong para matugunan ng Caritas Manila ang pangangailangan ng marami pang biktima ng pagbaha.

Nakiusap si Cardinal Tagle sa mga Pilipino na higit ding kailangan ng mga nasalanta ng baha ang mga blanket, mga maayos pang damit,underwear,bottled water,sabon,shampoo, biscuits at mga gamut.

“Bukod sa pasasalamat sa ating mga taong may mabubuting kalooban na ang kapwa ang naiisip sa pamamagitan pagbo-volunteer at pagbibigay ng donasyon, maraming salamat po. Dahil hindi lamang ang mga parokya na nasasakupan ng Archdiocese of Manila ang tinutugunan ng Caritas Manila, kasama rin po ang Quiapo church ay tumutugon tayo sa iba’t ibang Diyosesis. At salamat po as of today 8 am, tayo po sa Caritas Manila ay nakapamigay na ng 4, 927 relief packages na pinamimigay ng mga pamilya, kaya lamang po para sa lahat ng mga nakikinig meron pa po tayong request na hindi pa natutugunan at ibig nating tugunan around 14, 926 packs pa ho. Sana ang laman ng bawat package ay bigas, canned goods na madaling buksan o mga ready to eat. Kailangan din po natin ng mga blanket at mga damit na maayos pang magagamit, tubig na malinis at sana yung tubig kahit nakabote, kung maari balutin ng bukod para di mabasa ang ibang items, noodles, biscuits, sabon, shampoo, toothpaste, toothbrush, new underwear, gamot para sa sipon, para sa lagnat sa tiyan”.panawagan ni Cardinal Tagle sa pamamagitan ng Radio Veritas

Inihayag ni Kardinal Tagle na kailangang tugunan ng Simbahan at gobyerno ang mahigit sa 30-libong pamilya na apektado ng baha na nasa iba’t-ibang evacuation centers.

“Sa kasalukuyan po, sa ulat ng DSWD, may 30-libong families na evacuees  sa anim na rehiyon, medyo marami po ito, dapat matugunan ito hindi lang ng gobyerno kundi ng Simbahan lalu na’t tayo ang unang pinupuntahan ng mga tao”.pahayag ni Cardinal Tagle

Umaasa si Cardinal Tagle na maging lifestyle na ng mga Pilipino ang magdamayan at magtulong-tulong hindi lamang panahon ng kalamidad.

“Nagpapasalamat tayo sa pamamagitan ng ating mga volunteers at nagmamagandang loob sa misyon ng Simbahan para maging daan ng pagdamay at pag-ibig ng panginoon ay ating pong naipapatupad. Kaya nanawagan pa po tayo na ito po ay hindi lamang sana kapag may kalamidad kundi maging lifestyle na magtulong tulong. Ito nga ho ibig nating pasalamatan ang mga volunteers mula sa iba’t ibang parokya ng Archdiocese of Manila. Mukhang masayang masaya na sila ay nakakatulong sa kapwa. Marami rin tayong mga seminarista galing sa san carlos, holy apostle, san Lorenzo ruiz, mission institute at sa palagay ko po sa mga seminarista ng iba’t-ibang seminary sa kanya kanyang probinsya ngayon ay tumutulong din po, pati ang mga estudyante ng pamantasan ng Lungsod ng Maynila.”pasasalamat ni Cardinal Tagle sa Radio Veritas

Nagpasalamat din si Cardinal Tagle sa Philippine Naby at M-M-D-A na nagpahiram ng truck sa Caritas Manila at Quiapo church para maihatid ang relief packs sa iba’t-ibang lugar na hindi maaaring pasukin ng mga light vehicles.

Leave A Comment

CAPTCHA Image
*