275 total views
Naging makahulugan ang pagdiriwang ng ika-60 kaarawan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa presensiya ng kanyang mga kaibigan at mahal sa buhay.
Kabilang sa nagpaabot ng kanyang pagbati at pagpupugay si Caritas Manila Executive Director at Radio Veritas President Rev. Fr. Anton CT. Pascual.
“Tayo ay nagpapasalamat sa Diyos sa biyaya ni Cardinal Tagle sa ating simbahan. Nawa’y bigyan siya ng ating Panginoon ng isang tunay na pinagpalang buhay na punong-puno ng karunungan upang magabayan ang ating mananampalataya sa kalooban ng Diyos at mapasakanya ang katatagan at pag-ibig upang ipagpatuloy na ihasik ang hapag ng Diyos lalung lalo sa mga dukha at nangangailangan sa ating lipunan,” pagbati ni Fr. Pascual.
Sinimulan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng banal na misa sa Manila Cathedral na pinangunahan ni Cardinal Tagle kasama ang mga obispo at pari ng Arkidiyosesis ng Maynila na sinundan ng isang munting salo-salo sa Arzobispado de Manila.
Samantala, bilang paggunita ngayong araw sa kapistahan ni St. Aloysius Gonzaga na patron ng mga kabataan ay pinaalalahanan naman ni Fr. Pascual ang mga youth servants na maging mapagpakumbaba sapagkat sila ang itinuturing na mga bayani ng hinaharap.
“Ang mga kabataan ang pag-asa ng ating lipunan ngunit dapat ihanda sila para maging tunay at ganap na servant leaders of the future kaya sa Caritas Manila mayroon tayong Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP) upang ihanda sila spiritually, physically, emotionally and mentally for the future to become servant leaders of God and community,” pahayag ng pari.
Magkatuwang sina Fr. Pascual at Cardinal Tagle sa pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan gayundin sa pagsuporta sa mahihirap na kabataan sa pamamagitan ng social arm ng simabahang katolika na Caritas Manila.