October 25, 2014

Bayanihan sa Tag-ulan

Bagyong Gener. Hanging habagat. Bagyong Helen. Sa nakaraang mga linggo ay tunay na nasubok na naman ang ating pagka-bansa at pagka-Pilipino. Hindi lamang tubig-ulan ang nagdulot ng pagbaha, kung hindi ay umapaw din ng bayanihan sa buong bansa.

Kung mayroon ngang naidulot na maganda ang nagdaang mga bagyo at mga malalakas na pag-ulan, ito ay ang ipinakitang pagmamalasakit at pagtutulungan ng maraming bilang ng mga Pilipino.

Sa panahon ng mga kalamidad sa Pilipinas ay tunay na nasusubok ang kabutihan ng puso ng bawat Pilipino. Katulad ng ating naging karanasan sa pagbaha na dulot ni Ondoy, nakita din natin ang busilak na kalooban ng maraming bilang ng mga tao matapos manalasa sa bansa sina bagyong Gener at Helen at nang magdulot din ng matitinding pagbaha ang hanging habagat.

Nang binaha ang ilang lugar sa Marikina, Navotas at Malabon halimbawa ay maraming mga Pilipino, lalong-lalo na ang ilang miyembro ng ating mga kapulisan at kasundaluhan ang piniling iligtas ang buhay ng iba kaysa sa kanilang sariling buhay. Maraming kuwento ng kabayanihan ang nanaig at ito ay isang patunay ng kabutihan ng isang tunay na Kristiyanong nagtataya para kay Kristo.

Matapos naman ang naging hagupit ni bagyong Helen sa Northern Luzon ay bumubuhos pa rin ang tulong para sa mga nasalantang biktima ng nasabing bagyo. Marami pa rin ang patuloy na nagbibigay ng pagkain, damit at pera. Marami pa rin ang patuloy na tumutulong sa mga relief operations at sa pagsagip sa mga kawawang biktima ng nasabing malakas na bagyo.

Hanggang ngayon ay patuloy din ang Caritas Manila sa pamamagitan ng Caritas Damayan sa pamamahagi ng mga relief packs para sa mga nasalanta ng bagyo sa Metro Manila. Noong nakaraang linggo lamang, umabot na sa mahigit na 20,000 ang naipamahagi sa Diocese ng Malolos, Diocese ng Antipolo, Diocese ng Pasig at Archdiocese ng Manila.

Ang mga mabubuting gawaing ito ay patunay lamang na ang diwa ng bayanihan ay buhay na buhay pa rin sa puso at isipan ng mga Pilipino. Bagaman at maraming katiwalian ang nangyayari sa ating gobyerno, hindi ito sa hadlang upang matulungan ang maraming Pilipinong nangangailangan ngayong panahon ng kalamidad at trahedya.

Samakatuwid, tinatawagan ang lahat na patuloy pa rin na ipakita at ipadama ang kanilang pagmamalasakit sa lahat ng naging biktima ng bagyong Gener at Helen at ng habagat. Unang tungkulin ng lahat sa atin na ipagdasal sa Diyos ang kaluluwa ng lahat ng pumanaw dahil sa mga bagyong ito. Ipagdasal din natin ang lahat ng pamilyang nawalan ng tirahan. Ipagdasal din natin ang lahat ng iba pang mga biktima upang sila’y manatiling matatag at positibo hinggil sa naranasan nilang pagsubok sa kanilang buhay.

 

(Click to Play) Veritas Editoryal – Aug 20 2012


by: Fr Anton CT. Pascual

 

Leave A Comment

CAPTCHA Image
*