244 total views
Nakikipagtulungan na ang Archdiocese of Cebu sa pamahalaan sa usapin ng pagtulong sa mga sumukong drug users sa bansa upang makapagbagong buhay.
Ayon kay Fr. Carmelo Diola ng Dilaab Foundation, sa pakikipagtulangan sa kanila ng local government units gaya ng mga barangay, ipatutupad nila ang community-based drug services system upang matulungan ang nasa 600,000 drug surrenderees.
Pahayag pa ng pari, base sa kanilang datus na nakalap, tinatayang nasa 3 milyon ang drug addict sa bansa kung saan 2.9 milyon dito ay nangangailangan ng rehabilitasyon na hindi kaya ng 45 rehabilitation centers sa bansa.
Sinabi ni Fr. Diola, dahil dito, kinakailangan ang community-level reintegration program sa tulong halimbawa ng support group na Narcotics Anonymous (NA), sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan, civil society groups at ng Simbahan sa pamamagitan ng Ugnayan ng Barangay at Simbahan (UBAS).
Ayon kay Fr. Diola, karamihan sa dahilan ng mga sumusukong drug users na bumalik sa kanilang bisyo ay dahil sa kakulangan ng suporta mula sa gobyerno at ng ibat-ibang sektor.
“Tatlong components ito, may government component like surrendering, may medical and reintegration to society , di naman tayo medical professional kaya yung rehab di namin pinasukan yan, what we did is dun sa reintegration…kasi ang estimated addict sa Pilipinas 3 million, sa ngayon 600,000 ang sumurender and we have only 45 rehabilitation centers and they can only absorb 5,000 patients, if they can afford medyo mahal po yan so based on experience sa Cebu, nung binigyan ng drug test ang 5,000 only 11 did not need rehab, so 3M only 100,000 out of this do not need rehab and 2.9 million need rehab and we can only absorb 5,000, sumu-surrender sila, to clear their names, afraid to die, offered work at iba pa at kung walang intervention diyan, more than despair ito,” pahayag ni Fr. Diola sa panayam ng Radyo Veritas.
Nanawagan din ang pari sa mga parokya at Simbahan na buksan ang kanilang pintuan para tulungan ang Narcotics Anonymous sa kanilang mga gawain sa mga sumuko na nangangailangan ng kanilang tulong.
“Kaya ang ideya natin ay Church, pastors, open your Church, parishes your chapels to Narcotics Anonymous fellowship, even if they undergo rehab kung walang support group, babalik at babalik sila sa dati, tulungan natin ang Narcotics Anonymous,” panawagan ng pari.
Kamakailan, ayon sa pari, nag-experiment sila ng salo-salong okasyon sa ilang drug surrenderees kung saan nagsagawa sila ng physical exercises gaya ng Zumba, Jogging, boodle fight, testimonial sharing sa NA at iba pa bilang pakikisalamuha sa mga drug users at upang maramdaman nilang sila ay bahagi pa rin ng lipunan.