|
Konsultasyon, dapat pairalin bago ipatupad ang sex education - Luistro
July 7, 2010 - Wednesday
Konsultasyon muna ang dapat pairalin bago ipatupad ang sex education sa mga pampublikong paaralan.
Ayon kay Education secretary Armin Luistro, kailangang malaman ng magkabilang panig ang kanilang mga adhikain kung bakit maari at hindi maaring ipatupad ang nasabing programa.
Naniniwala si Luistro na kapag may multi-sectoral group na mabubuo para pag-usapan ang sex education, dito pa lamang malalaman na kung ano ang nararapat na paghahanda para sa kinabukasan ng mga batang Filipino sa usaping moral.
“Ang papel ko ay tulay, gusto kong pakinggan ang posisyon ng magkabilang panig, ano ba yung lahat ay nag-a-agree, mahirap pag-usapan ang sex education kung nag-iisa siya o hindi kasama ang moral values, gusto magkaroon ng isang grupo ng multi-sectoral group at hanapin dito ang pare-pareho nagting hinahanap,” pahayag ni Luistro sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, ayon sa kalihim hinihintay pa niya ang report ni dating Education secretary Mona Valisno sa ipinatupad nitong pilot testing ng sex education sa ilang piling pampublikong paaralan.
Samantala, inihayag ng Department of Education na maraming mga pribadong sektor ang nais tumulong sa ahensiya para mapataas ang kalidad ng edukasyon.
Ayon kay Education secretary Armin Luistro, isa na dito ang Chinese Chamber of Commerce na nais magtayo ng mga silid-aralan.
Sinabi ni Luistro na makakamit ang adhikaing ito ng pamahalaan kung may kooperasyon ang lahat.
Kampante ang kalihim na maipatutupad ang programang pagpapataas ng kalidad ng edukasyon dahil sa boluntaryong pagtulong ng iba’t-ibang sektor.

|