Veritas Balita


Ulan na idinulot ni Basyang, kulang para mapunan ang tubig sa Angat Dam

July 14, 2010 - Wednesday

 
Kailangan ng isa at kalahati pang lakas ng bagyong Ondoy ang pumasok sa Pilipinas upang matugunan ang kakulangan ng supply ng tubig sa mga dam sa bansa.

Ayon kay Dr. Susan Espinueva, head ng hydrology division ng Pagasa, mabilis ang pagdaan ng bagyong Basyang sa Metro Manila, at kaunti lamang ang ulan na dala nito para tugunan ang tubig sa mga dam lalo na sa Angat.

“Actually kulang na kulang po ang ulan na dala ni Basyang, ang kailangan po ay 1 at kalahating bagyong Ondoy para mapunan ang tubig sa mga dam lalo na sa angat,” dagdag pa ni Espinueva sa panayam ng radyo Veritas.

Pahayag pa ni Dr. Espinueva na kailangang madaliin ng gobyerno ang pagsasagawa ng cloud seeding operation para madagdagan ang water level ng angat dam.

Umabot lamang sa 60 hanggang 75 millimeters ang ulan na ibinagsak ng bagyong Basyang sa angat dam.

Ito ay parang wisik lang o binasa lamang ang lupa sa paligid ng Angat dam.

Sa ngayon nasa 157.70 meters ang level ng tubig sa nasabing dam.