|
DZRV – Radyo Veritas 846 Khz
Exclusive Interview with
His Excellency Angel Lagdameo
Archbishop, Archdiocese of Jaro, Iloilo
January 11, 2010 – Monday – 8:15am
Q. Archbishop, ano po ang inyong pagninilay kung bakit ganoon na lamang po ang pagdagsa ng mga tao sa mahal na Poong Hesus Nazareno, noong sabado na ikinamatay pa ng dalawang katao?
A. Una, nakikiramay tayo sa mga pumanaw ano po, alam niyo ang mahal na Poong Hesus Nazareno ay nagsisilbing pag-asa o Hope ng mga tao kaya ganoon na lamang ang pagdagsa ng mga tao sa Kanya, kaya sila namamanata at matindi ang debosyon nila sa mahal na Poon dahil sa siguro sa Nazareno nila nakikita ang solusyon sa kanilang mga problema na nanggagaling sa kanilang personal na buhay o kaya sa pamahalaan. Ibig sabihin, sa Nazareno sila nakakakuha ng kaluwagan ng loob.
Q. Ito pong pagpunas sa imahe at pag halik sa mahal na Nazareno, hindi na po ba ito maaalis sa mga deboto Archbishop?
A. Sa aking palagay ay hindi na mahirap na itong mawala at bahagi na ito ng kultura ng Quiapo gaya ng sinulog sa Cebu tuwing pista ng sto. Nino kaya mahirap na talaga itong matanggal ang ganitong uri ng debosyon. Bahagi ito ng kanilang religious expressions o external show of faith pero ang mahalaga rito, sa kanilang ginagawang debosyon, ang mahalagang tanong ay kung nababago ba ng kanilang debosyon ang kanilang buhay tulad ng pagtalikod sa kasalanan.
Q. Sa ibang isyu naman po Archbishop Lagdameo, ayon sa Comelec, umabot na sa 50,086,054 ang mga registered voters. Ano ang masasabi niyo rito?
A. Well patunay lamang ito na eager ang tao na magkaroon ng pagbabago sa ating bansa lalo na sa paghalal ng tamang lider. Indikasyon ito na maraming tao ang nais makiisa at nais bumoto sa May 10 national elections. Kaya dapat bumoto ang lahat, ayon sa kanilang konsensya kung nais talaga natin ng pagbabago. Ito ay magandang pagkakataon sa lahat para huwag ihalal ang mga kandidatong may record ng katiwalian at kurapsyon.
Q. Ipinatupad po ng PNP ang total gun ban na magtatapos sa buwan ng Hunyo. Sa tingin niyo po, malaking bagay ito upang maiwasan o mabawasan kahit papano ang human killings at human rights violation sa darating na halalan?
A. Well, malaki ang maitutulong nitong gun ban para maiwasan ang karahasan lalo na sa mga kandidatong marahas. Sana lang masunod ang batas. Sana lang may pangil ang mga otoridad na maipatupad ito ng maayos dahil baka mamamaya mayroong palusot. Alam mo na mga hidden armies na tinatawag. Kaya dapat magpursige pa rin ang taong bayan. Sila ang higit na makapangyarihan upang masawata ang mga pulutikong ito.
Q. Ano po naman ang inyong apila sa mga pulitiko lalo pa’t nalalapit na po ang May 10 elections?
A. Ang apila ko at panawagan sa mga kandidato, na sana mangibabaw sa kanilang mga puso ang kapayapaan at katiwasayan. Sana manalo sila sa pamamagitan ng hindi pagdadaya sa halalan kundi sa pamamagitan ng mapayapang halalan. Hindi sana pera ang palakarin nila kundi ang kanilang character at achievement!

|