191 total views
Ipinagmalaki ni Diocese of San Pablo Laguna Bishop Buenaventura Famadico ang 12 pamamaraan na ginagamit sa isang relocation area sa Calauan Laguna upang makapag-balik loob ang mga sumukong indibidwal na lulong sa droga.
Sinabi ni Bishop Famadico na epektibo sa lahat ng uri ng adiksyon at marami na ang nakinabang sa ’12 Steps’ dahil nagsisimula ito sa pagkilala sa dakilang manggagamot na si Hesus na ating Panginoon na kayang hilumin ang ating kaluluwa at muling pag-alabin ang ating buhay-espiritwal.
“Kapag sinabing adik, hindi ko na control ang sarili ko at hindi ko na kaya at kapag hindi ko na kaya ano ang gagawin ko? Eh di kakapit ako to somebody na talagang makakatulong sa akin at mas makapangyarihan kaysa sa akin, na walang iba kundi ang ating Panginoon,” pahayag ng Obispo sa panayam ng Radio Veritas
Ipinaalala ni Bishop Buenaventura na dapat sabayan ng aksiyon ang bawat panalangin gayundin ang paghingi ng tulong sa kapwa upang mas maging mabilis ang pagbabagong-buhay.
Kaugnay nito, hinihikayat din ng Obispo ang mga indibidwal na nalulong hindi lang sa ipinagbabawal na gamot kundi maging sa iba’t ibang anyo ng adiksyon na sumailalim sa nasabing programa at isuko ang lahat ng kanilang bisyo kay Kristo.
“Plano namin imbitahan pati mga nalulong sa alak ,nalulong sa bisyo at lahat ng uri ng pagkalulong at isasama natin sila doon na tutulungan at sa ngayon we’re still on the process of training the facilitators,” dagdag ng Obispo
Ang 12 Steps tungo sa pagbabago ng isang tao ay nakasentro sa pag-amin ng kasalanan, pagtanggap ng pagkakamali, paniniwala sa Diyos na pinakamakapangyarihan sa lahat, paghingi ng tawad at pagtawag sa Panginoon sa pamamagitan ng meditasyon at panalangin.
Sa tala ng Philippine National Police, humigit kumulang sa 1.3-milyon na ang mga drug surrenderers na sumuko sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Ayon kay Bishop Famadico, ang walang hanggang pagpapatawad at pagmamahal ng Diyos sa kabila ng ating mga pagkukulang at pagmamalabis ang tunay na mensahe ng kuwaresma